Ang Taal na Bunga ng Pesah (The Real Fruit of Passover)
Ang Puno ng Pesah
Sa ating panahon, walang ibang paksa ang higit pang pinapansin at sanhi ng pagkakahati at pagtatalo, kahit ito ay buod ng kultura at pananampalataya na naitatag 3 milenyo nang nakaraan, maliban sa Pesah o Laktaw (Passover). Ang Pesah ay ang tradisyonal na hapunan na iniutos ni Yahuah kay Moises at unang idinaos ng mga Hebreo sa Ehipto at naging taunang kapistahan ng mga Israelitas hanggang ngayon.
Subali’t, waring isang masukal na gubat ang kinahinatnan ng Pesah at hindi na nag-iisang puno na may payak at natatanging bunga. Sa isang dako, ang Pesah ay tila isang puno na may iba’t-ibang bunga na magkakaiba ang kulay, anyo, lasa at amoy na dala ng pagkakaiba sa pananaw, panlasa at pag-unawa ng iba’t-ibang sekta sa ating panahon. Ang bawa’t magnais pumitas ng bunga ay ayon sa kanyang kalooban at kaugalian.
Malungkot mang isipin, sa karamihan ng taong nakikibahagi sa Puno ng Pesah ay iilan lamang ang masasabing tapat na tagapagmana ng itinakdang taal, totoo at payak na bunga ng Panginoong Yahusha – ang Banal na Binhi na Siya ring naghasik at nagtanim ng binhi at nagpalago ng Puno ng Pesah ayon sa kalooban Niya upang ang ganap na bunga nito ay malasap ng Sangkatauhan.
Alam natin na ang ipinangakong Banal na Binhi na pagmumulan ng Puno ng Pesah ay unang nabanggit sa Kasulatan nang magkasala si Adan at si Eba at palayasin sa Paraiso dahil kinain nila ang ipinagbawal na bunga sa Hardin ni Yahuah. (Gen. 3) Ang Puno ng Pita o Konsiyensiya ay ipinagbawal dahil ang bunga nito ay may lason ng kamatayan. Ang pita ang nagtuturo sa atin kung alin ang tama at mabuti sa mali at masama. Pumipili tayo sa alin mang naisin natin bilang malaya na nilalang, di tulad ng sanggol o musmos na bata at ng hayop na walang pita. (Fig. 1)
Mahalagang maunawaan ito nang lubos. Ang Banal na Binhi din ang Siyang nagtanim ng mga puno sa Hardin ng Paraiso, kaisa ang Ama at ang Ruach. Ayon sa Kanilang nilayon, ang mga nilalang Nila ay nararapat sumunod sa naitakdang landas upang mabuhay nang matagal at maging banal at ganap sa piling Nila. Alam nating hindi naging tapat si Adan at si Eba dahil kinain nila ang prutas na naglason sa katawan, isip, puso at kaluluwa nila, sanhi ng kanilang pagkamatay. Kaya nga’t ipinangako ang Banal na Binhi upang magtanim ng kakaibang puno na magbibigay ng lunas, pagpapanariwa at bagong-buhay sa Sangkatauhan. Ito ang Puno ng Pesah na magbubunga ng itinakdang pamamaraan na maghahanda at magdadala sa atin sa piling ng Dakilang Tagapaglikha sa Langit.
Kung gayon, ang Pesah ay isang lansangan lamang na tatahakin ng mga alagad ni Yah patungo sa itinakdang hantungan. At tulad ng isang puno, ang ating pinipitas ay hindi lahat ng bunga kundi ang sapat lamang sa ating pangangailangan upang lahat ay mabubusog. Sa kasamaang-palad, ang Pesah ngayon ay waring isang Puno ng Kabutihan at Kasamaan na nahahati sa iba’t-ibang bungang malason na nagbibigay kahinaan at kasadlakan sa tao. Ang totoong bunga lamang ng buhay ang siyang magbibigay-lunas sa ating mga kahinaan at kasawiang-palad. And Banal na Binhi ay dumating upang itatag ang tamang landas na dapat nating hanapin upang makabalik sa Kaniya. Sa gayong paraan lamang maaalis ang sumpa sa ating unang mga magulang at nang tayo ay lumaya at maligtas.
Ating isasalarawan ang pag-usbong ng binhi at paglago ng Puno ng Pesah at kung ano ang mga naging bunga nito sa kasaysayan ng mga hinirang na tagapagmana noon at ngayon. Ang puno ng niyog ay namumunga pa rin ng niyog ayon sa paraan at batas na itinatag sa Kalikasan. Nguni’t ang Puno ng Pesah ay kaiba sa lahat ng mga puno sapagka’t iniba ng mga tao ang paraan at kaayusan na nararapat itatag sa kanilang buhay. Alam natin na sa tulong ng genetic engineering, maaari nang baguhin ang buod at anyo ng isang insekto, hayop at maging isang tao. Ang binhi na pagmumulan ng isang supling ay maaaring kalikutin upang ang bunga ay may talino, lakas at kakayahan na higit pa sa karaniwang tao. Ang “gene” ay binhi ng tao; at sa kapasiyahan ng tao, wala nang hindi makakamit gamit ang agham at teknolohiya.
Ganoon din ang nangyari sa binhi ng Pesah at sa mga bunga nito. Hindi gamit ang agham, bagkos ang karunungan at kapasiyahan ng tao; kaya’t nagbago na at nawala na ang payak at taal na bunga na itinanim ng mga apostol na sinugo ni Yahusha na maghasik at magpalago ng Kanyang binhi ng Kaharian hanggang sa Kaniyang pagbabalik. Tutunghayan natin ang ugat, puno, mga sanga, at mga bunga ng Puno ng Pesah upang matunton ang kinalalagyan ng totoong bunga na may buhay-na-walang-hanggan.
Ang Paraiso ay isang Hardin ng Buhay na may mga puno at sari-saring masasarap na bunga. Nang nawala sa tao ang Hardin, ang Mundo ay naging Hardin ng Kamatayan. Alam natin iyan. Inilibing ng baha at putik ang buong Sangkatauhan sa mukha ng Mundo sa panahon ni Noe upang ipunla ang sariwang binhi sa sariwang lupa. Nguni’t ngayon, lumaganap ang mga bungang may lason na inihasik ng naghahari sa Mundo. Ang pamamahala sa iba’t-ibang bansa ay nabahiran na ng maling kaalaman at kaugalian. At ito ay dala ng mga nalihis na bunga ng Puno ng Pesah na kumalat sa kaisipan, kaugalian at kapamahalaan ng mga bansang tumalikod sa katotohanan.
Ang prinsipiyo ng taal o organikong pagtatanim ay matagal nang nakalimutan at tinalikdan ng sangkatauhan at pinalitan ng nakalalason na mga pamamaraan. Kaya rin lumalaganap ang mga karamdaman. Nguni’t nanatiling wagas at sariwa ang binhi na mula sa Anak ni Yahuah na ipinanganak at nagsimulang maghasik ng wagas at ganap na katotohanang magiging sandigan ng Kaniyang Kaharian. Nguni’t ang katotohan ay hindi tinanggap ng sanlibutan. Siya ay hinamak, itinakwil at pinatay, nguni’t muling nabuhay at nagtagumpay sa layunin Niyang itatag ang Kaharian.
Ang Banal na Binhi ay naitanim na sa kasaysayan at sa buhay ng laksa-laksang nilalang. Gayunpaman, ang binhi na inihasik Niya ay naisantabi at pinalitan ng kakaibang gawain at kaisipan na taliwas at lihis sa itinakda Niya. Marahil, marami ang iiling sa pananaw na ito na 30 taon nang nailimbag at naihasik. Kaya’t muli, babalikan natin ang pinag-ugatan ng mga sanga-sanga ng Puno ng Pesah na namamayani sa ating kapanahonan.
Ang Binhi at ang Puno ng Pesah
Upang umusbong at lumago ang binhi, kailangang may lupa, may tubig, may hangin at may liwanag. Iyan ang una at natural na paraan, bagama’t may naiibang paraan na ngayon. Nang itinanim ni Yah ang Binhi ng Pesah, ang lupang pinili Niya ay ang buhay at puso ng mga Hebreo sa lupaing Ehipto. Noo’y mga alipin pa ang mga Hebreo at napapanahon nang palayain ng Panginoon upang ihirang na tanging bansa Niya. Ito ay isang pagtatanim pa lamang, pagsisimula ng gawain ni Yah. Doon lumitaw ang ugat ng Pesah. (Fig. 2)
Alam na natin ang kasaysayan na pinagmulan ng Pesah — si Moises, ang mga Hebreo, ang mga Ehipsiyo, ang anghel ng kaligtasan at ang anghel ng kamatayan. Ang sentro ng Pesah ay ang munti at sariwang tupa (tulad ng butil) na inialay at nagsilbing hapunan ng mga Hebreo sa gabi ng paglaya nila. Alam na natin na larawan ang tupa ni Yahusha na nag-alay ng buhay sa krus sa takdang panahon. Ang tupa na “binhi” ng Pesah bilang hapunan, kasama ang tinapay na di-pinaalsa, ay naitakdang itanim at mamunga ng ipinagakong Banal na Binhi na Siyang magdadala ng Banal na Bunga sa Punong kasiyasiya kay Yah.
Ang Binhi ng Pesah at ang Banal na Binhi ay mga binhi lamang. Hindi sila ang bunga o ang dulo ng kasaysayan na ito na naitala. Kung gayun, ang ginawa ng mga Hebreo at ginawa ni Yahusha ay pagtatanim lamang at hindi pa ang siyang bunga na dapat nating angkinin at lasapin sa tuwina. Bawa’t magsasaka ay naghihintay ng ani upang matikman ang bunga ng lupa. Maging si Yahusha, nang itanim Niya ang Binhi ng Kaharian sa Herushalem, ay hindi nanatili doon, bagkos umakyat sa Langit at inatasan ang mga alagad na humayo sa buong sanlibutan upang mangaral. Hindi lamang Siya ang unang tumikim kundi pati ang mga dapat makinabang sa Bunga ng Puno ng Buhay – ang Buhay na Walang-Hanggan.
Ang lupa na pagtataniman ng Binhi ng Kaharian ay hindi isang dako tulad ng Yerushalem kundi ang puso ng bawat mananampalataya. Ang hangin, tubig at liwanag ay ang pangakong Banal na Ruach ng Buhay. Dito pa lang makikita na natin kung saan nalilihis ang karamihan sa kanilang pagdiriwang ng Pesah at pagpitas ng Bunga ng Buhay na taal. Ang Ruach lamang ang Siyang maggagabay sa atin at Siya lang ang ating susundan sa pagsasaliksik na ito. Ang salitang ruach sa Hebreo ay hininga o hangin ng buhay mula sa tao; kaya ang hangin, apoy o liwang, at tubig ay mga larawan ni Ruach na siyang buhay ng mananampalataya.
Ayon sa pagpapaalaala ni Ruach, itinala ng mga manunulat ng ebanghelyo na sa huling Pesah, nagtipon ang mga apostol kapiling si Yahusha sa gabi ng kapistahn sa Herushalem. Tandaan natin na hindi lamang ang alaala ang ibinigay ni Ruach sa mga manunulat kundi pati na ang pag-unawa sa mga naisulat sa Tipan at sa winika ni Yahusha — noon at ngayon. Iyan ay lilinawin natin sa takdang panahon. Isa pa, iyon na ang ”huling” Pesah dahil iyon ang nilayon ni Yahusha na idaos sa piling ng mga alagad Niya upang tuparin na ang sinimulan o naitanim ni Moises sa mga Hebreo. Tandaan natin: Ang Pesah ay iniutos lamang sa mga Hebreo o Israelitas, katulad ng Panginoon at mga apostol.
Subali’t ang Pesah ay isa ring hula na ibinigay kay Moises at ang katuparan (at katapusan bilang pagsasalo) ay isang pagdiriwang na, ayon sa mga bibigkasin ni Yahusha sa huling Pesah, magiging bago, kakaiba at magdadala ng pangakong buhay at pakikiisa ng Panginoon sa sangkatauhan. Hindi na ang Israel lamang ang makikinabang sa Bunga ng Pesah kundi ang buong sanlibutan. Ang Pesah ay para sa mga Israelitas; nguni’t ang bunga nito ay para sa buong Mundo. Ang Pesah ay tulad ng isang ina na magsisilang ng bagong nilikhang kaayusan at kaharian na pamamahalaan ng Haring Yahusha sa Kalangitan. Kung gayon, ang pagdiriwang natin ngayon ay nararapat na kakaiba sa nakaugalian na noon. Subali’t alam natin na ang Pesah ngayon ay walang ipinagkaiba sa nakaugalian ng mga Hebreo, ng mga Yudeo at ng mga mananampalataya na sumunod lamang sa kanilang nakagawian hanggang sa ngayon.
Si Yahusha ang tangkay na binanggit ni Isaias na usubong sa ugat ni Yesse. (Isa. 11:1. 10) Siya nga ang haligi ng katotohanan na nagdala ng mabuting balita ng Kaharian. Siya ay itinanim sa sinapupunan ni Maria na isang birhen – ang Banal na Binhi sa naitala ng mga propeta. Siya ay lumago at naging isang guro at alagad ni Yah na nagpagaling sa mga may karamdaman, nagligtas sa mga makasalanan, at nagbigay pag-asa at buhay sa mga api, lugmok at mga namatay. At dahil tinupad Niya lahat ang mga hula sa Kasulatan, Siya ang naging haligi o puno ng Pesah (Fig.2) na naitakdang ialay sa altar ng kaligtasan. Siya ay dumating upang tuparin ang kalooban ni Yah na linisin ang lahat ng kasalanan, kasamaan at kasinungalingan na itinanim ni Satanas sa Mundo.
Nguni’t hindi Siya tinanggap ng mga Hudeo at pinili nilang putulin ang Haligi at Puno ng Pesah.
Ang Huling Pesah
At iyon nga ang dinanas ng Binhi at Puno ng Pesah. Hindi na Siya binhi lamang dahil natapos na Niya ang gawain Niya sa pagtatanim at paglalahad. Ang naiwanan na lang na gawain ay ang tuparin ang Pesah o ang munting tupa na magbubuhos ng dugo at buhay ayon sa hula at kalooban ni Yah. Sa mga nagsasabing hindi pa tapos ang Pesah kaya walang “huling Pesah” at nagpapatuloy pa ito, pakinggan ang mga huling habilin Niya sa hapunan na iyon.
Sa Lukas 22:15-16 (Magandang Balita Biblia), sinabi ni Yahusha, “Matagal ko nang hinahangad na makasalo kayo sa Hapunang Pampaskwa na ito bago ako magdusa. Sinasabi ko sa inyo, hindi na ako muling kakain nito hanggang sa ito’y maganap sa kaharian ng Diyos.”
Ang pagdusa Niya sa Kalbaryo ay minsan lang at ito ay ayon sa isang takdang layunin na siyang ipinangako ni Yah sa Hardin pa lang na: Tutuklawin ng ahas ang sakong ng Binhi nguni’t dudurugin Nito ang ulo ng ahas. (Gen. 3:15) Sa libu-libong taon na idinaos ang Pesah, isinaisip at hinintay ng mga Israelita ang katuparan ng hula na iyan. Kahit na ang mga apostol ay ganoon din. Nguni’t si Yahusha lamang ang nakababatid na Siya ang magtutupad sa hulang iyon ng tupang-alay sa Pesah. “Matagal” na nga Niyang hinintay upang gampanan ang layunin Niya – mula pa sa Hardin — at dumating na ang takdang panahon. Hindi Siya nagtakda ng Hapunan o Pista, na ayon sa iba, sa pagkain nilang iyon, kundi nagpahayag na tutuparin ang dapat maitatag at mangyari sa buhay ng mga alagad Niya kapag wala na Siya sa Mundo. Amg pista ay utos sa batas; walang batas Siyang binaggit maliban sa mahalin Siya at magmahalaan tayo. At ang pagtupad sa batas na iyan ayon sa bagong paraan ang itinakda Niya sa huling Pesah.
Ang pagkain o hapunan ay karaniwang gawain ng hayop at tao upang mabusog at mabuhay. At nagsimula ang Pesah bilang hapunan na nakabubusog at puno ng sustansiya upang magbigay lakas sa mga aliping naitakdang humayo sa Canaan. Ang almusal o hapunan na kakapiranggot ay hindi nakabubusog at nagiging walang-kabuluhang rituwal lamang; subali’t ang pista ay tunay na kainan na may kahulugan din. Ang pagkain ay ginamit ni Yah na larangan at larawan ng pagsasaalaala (commemoration) hindi bilang rituwal o seremonya kundi organiko at karaniwang gawain ng taong tumanggap ng biyayang pisikal at espirituwal.
Pansinin ang sinabi Niya, “Sinasabi ko sa inyo, hindi na ako muling kakain nito hanggang sa ito’y maganap sa kaharian ng Diyos.” Ano ba ang magaganap? Ang hapunan na magkapiling sila muli? Alam nating hindi pa bumabalik ang Panginoon mula noon. Nguni’t alam nating Siya ay naghahari na sa trono sa Langit. Ito ba’y natupad na o hindi? Paano natupad?
Sa talatang 17-18, “Dumampot siya ng isang kopa, at matapos magpasalamat sa Diyos ay ibinigay iyon sa kanila, at nagsabi, “Kunin ninyo ito at paghati-hatian. Sinasabi ko sa inyo, mula ngayo’y hindi na ako iinom nitong katas ng ubas hanggang sa pagdating ng kaharian ng Diyos.” Hindi Siya kakain o iinom hangga’t sa pagdating ng Kaharian. Kung ganoon, tayo ba ngayon ay naghihintay pa rin na makapiling Siya sa Hapunan Niya? Hindi ba’t naitatag na ang Kaharian at ang mga nanampalataya sa Kanya ay nasa Kaharian na? Bakit pa tayo maghihintay?
Sa Mateo 26:27-29, sinabi din ng Panginoon na hindi na Siya muling iinom hangga’t inumin Niya ang alak na “bago sa Kaharian ng Ama”. Samakatuwid, ang ininom nila noon ay may lumang uri at lumang layunin at papalitan ng bagong uri ng alak o inumin na may bagong layunin o kahulugan sa Kaharian.
Sa Lukas 19-20, kumuha siya ng tinapay at nagpasalamat at pinaghati-hati iyon at ibinigay sa mga apostol. “ ‘Ito ang aking katawan na inihahandog para sa inyo. Gawin ninyo ito bilang pag-alaala sa akin.’ Gayundin naman, dinampot niya ang kopa pagkatapos maghapunan at sinabi, ‘Ang kopang ito ang bagong tipan ng Diyos na pinagtibay ng aking dugo. Ang aking dugo ay mabubuhos alang-alang sa inyo.’ “ Tunghayan: Ang tinapay na bahagi ng Pesah ng mga Hebreo ay walang lebadura at ginamit Niyang larawan ng katawan at buhay Niyang dalisay at walang kasalanan. Hindi pa batid ng mga apostol na mamamatay Siya o na ang ginagawa Niya ay pagtatakda sa gagawin Niyang pag-alay. Kaya marami ang nagkakamali na sabihing ang “pag-alaala” sa Kanya ay nakatuon dapat sa Kanyang pagdurusa at kamatayan sa krus. Hindi — ang nais Niyang alalahanin ay Siya mismo at ang Kanyang pagiging-Anak ni Yah at pagiging-Tagapagligtas. Sa talata 16, ani Yahusha, hindi na Siya kakain muli hangga’t “maganap” ang Pesah sa Kaharian. Hindi lang ibig sabihin na kakainin ito muli, kundi pati ang maganap (o magiging ganap o buo) o matupad na ang mga layunin Niya sa Kaharian. Ano nga ba iyon?
Ang pagkain ng tinapay sa huling Pesah ay may mga natatanging kahulugan:
- Ang pagkain nito ay nagsisilbing larawan lamang ng lunas sa lason na mula sa Diablo. Nguni’t ito ay hindi lubos na batid o malinaw sa isipan ng mga sinaunang Israelitas, maging sa mga apostol. Kaya hindi nila matanggap ang sinabi Niya minsan: Ako ang tinapay ng buhay; ang sinumang kakain sa laman Ko ay may buhay na walang-hanggan. (Juan 6:48-51)
- Ang katuparan ng tinapay (mula sa luma patungo sa bago) ay nasa gagawin Niya bilang Tagpagligtas na karapatdapat mag-alay ng buhay Niyang wagas tulad ng dalisay na lumang tinapay. Ito ay iniutos ni Ama at tinupad Niya.
- Ang lumang tinapay ay hindi na mananatili at ipagpapatuloy sa Kaharian dahil may iba nang uri at layunin ang ipapalit sa bagong salu-salo o pagdiriwang sa Kaharian.
- Ang tupa o alay na Pesah ay larawan ng katawan ni Yahusha na inalay sa krus upang ang kasalanan ng Mundo ay akoin Niya. Kung idaraos natin muli ang Pesah tulad noon, dapat may tupa din tayo. Nguni’t hindi na dapat dahil naialay na ang katawan ni Yahusha. Ang katuparan o ang ganap na tinapay, hindi ang tupa, ang magbibigay ng buhay (ang tupa ay larawan ng kamatayan ng “katawan ng kasalanan”). Sa madaling-sabi, aalisin na ang tupa at lumang tinapay sa Kaharian.
- Ang walang lebadura na tinapay ay natupad na, ayon sa nasabi Niya, tinupad Niya sa pag-alay ng dalisay Niyang buhay at katawan sa krus, hindi sa Kaharian. Ang isang bagay na natupad na ay lumipas na at wala nang kapakinabangan. (Heb. 8:13)
Samakatuwid, ang mga nananatiling kumakain ng tinapay na ito ay nagsasabing hindi pa natupad ang layunin ng Binhi ng Pesah at Banal na Binhi sa Kaharian. Hanggang ngayon, kayraming nananatili sa ganitong kaisipan. Kung kaya, ang isinasaisip nila ay ang Kaniyang pagdurusa at kamatayan, samantalang ang nais Niya ay alalahanin Siya na nagtagumpay, buhay magpakailanman, at naghahari sa piling ng Ama Yahuah sa Langit.
Sa pag-alaala ng dinanas Niyang hirap, may kabutihan din lalo sa mga dumaranas ng hirap; nguni’t hindi ba higit na may silbi ang mag-isip at manatili sa katotohanang Siya ay buhay at nakikinig sa ating mga dasal? Maaaliw ba Siya na isipin pa natin ang hirap na natapos at naalpasan na Niya, o ang kaligayahan at tagumpay Niya lalo na sa panahon ng ating pagdurusa at pagtitiis? Ang gamitin ang isang pagdiriwang ng Buhay at Tagumpay sa pag-alaala sa Hirap at Kamatayan ay taliwas sa Kaniyang layunin at pag-ibig, maging sa Kaniyang kapangyarihan. Ang taong nadisgrasya at naratay sa ospital ay hindi nanaising isaisip ang panahon na iyon, araw-araw o sa tuwina. Bagkos, kinakalimutan iyon. Ang Panginoon pa kaya? Sadistang tao o Panginoon lang ang may nais niyan.
Ang mga Sanga at Bunga ng Pesah
Paano nga ba na ang mga sanga ay nalihis sa turo ng Ruach na Siyang nagbigay linaw sa salita ni Yahusha? Nang umakyat na si Yahusha sa Langit, naiwan ang mga apostol na naghihintay sa pangakong Tagapagtanggol nila, ang Ruach Hakodesh. Tapos na ang Kapistahan ng Tinapay na Walang Lebadura at naialay na ang tupa ng Pesah, dahil unang kinakain ang tupa at 7 araw sila kumakain ng tinapay na matigas. Kung gayon, balik na sila sa tinapay na may lebadura, ang malambot, malasa at normal na tinapay nila at natin.
Pagdating ng Kapistahan ng Unang Mga Ani o Pentecostes, nagtipuntipon sila sa Yerushalem upang mag-alay ng 2 tinapay na pinaalsa. At sa araw na iyon ibinigay ang Ruach, kalakip ang mga kababalaghan at pangitain. Alam na natin ang nangyari. Ipinahayag na ni Pedro at ng ibang apostol sa mga nangagkatipon sa Yerushalem na ang ipinako nilang si Yahusha ay muling nabuhay, umakyat sa Langit at naghahari sa piling ng Ama. Marami ang naantig at naniwala sa pahayag at tumanggap sa Ruach at ng kaligtasan. Dahil araw ng Pentecostes, ano ang kinain nilang tinapay? Hindi ba normal na tinapay? Hindi ba ang mga bagong naligtas ay siyang mga katuparan sa hula patungkol sa tinapay na may Lebadura o mga “unang bunga” o “firstfruits”? (Lev. 23:17) Nagbunga na ang Binhi at Puno ng Pesah! Sila, at kasama ang mga apostol, ang unang naging bahagi ng Kaharian ni Yahusah na itinatag Niya ayon sa buhay, pag-ibig at kapangyarihan Niya.
Unawain natin nang lubos ang taal at wagas ang kahulugan na unang mga bunga ng Puno ng Pesah sa araw ng Pentecostes. Ang 2 tinapay na inalay nila sa Templo ay sagisag ng dakilang Kaharian na uusbong at lalago, hindi lamang sa dami ng bilang kundi sa lakas at kaluwalhatian na handog ni Ruach. Ang mga taong iyon ba na siyang nagpapako kay Yahusha ay isinaisip pa ang hirap at dusa na dinanas ni Yahusha sa krus? Isinaisip pa kaya nila ang bigat ng kanilang pita o konsiyensiya nang maunawaan nilang sila ang nagpapatay sa Anak ni Yahuah? O di kaya’y nagdiwang sila dahil pinatawad na sila, binigyan ng pangakong Buhay ni Ruach sa puso at kaluluwa nila, at ginawang bahagi ng Kaharian na libu-libong taon na nilang hinihintay bilang mga Yudeo?
Kaya nga’t sa mga sumusunod na araw, nagtipuntipon ang mga alagad sa kanilang mga tahanan, nagdiwang at nag-aral ng salita ng mga apostol, nagdasal at kumain nang magkakasama. (Gawa 2:46-47) Sa Ingles, sila ay nag-break-bread o nagpilaspilas ng tinapay, simpleng pagsasabi na kumain sila, araw-araw. Kalakip ang ibang pagkain, alak at anupamang kaugalian nila noon bilang mga karaniwang tao tulad natin. Ang mga handaan nila ay tinawag na mga agape o “love feasts” – pista ng pag-ibig. Ang ebanghelyo ay unang ipinahayag sa mga Yudeo sa Yerushalem, kasunod ang mga Samaritano at huli sa mga Hentil. Ito ang payak na larawan ng kapanganakan ng Katawan at Kaharian ni Yahusha sa Yerushalem – mga hinirang (ekklesia) sa Kaharian; nguni’t ito ay kinalimutan at binalewala na ng karamihan. Kung ikaw ay hinirang at nakapasok na sa Kaharian, ekklesia ka pa ba o isang mamamayan at kapwa-Kaharian (fellow citizen of the Kingdom)?
Isipin natin: Ito ba ay isang kaisipan na mula kay Yahusha at Ruach o mula sa isang nilalang na nalilinlang lamang? Tama bang magdiwang dahil nakaluklok na si Yahusha sa Langit at wala nang dahilan upang balikan pa ang pagdurusa Niya? Dapat pa bang mag-alay tayo ng tupa o kumain ng tinapay na matigas tulad ng mga Hebreo na nasa ilang o sa Canaan o sa Yerushalem at naghihintay pa sa Banal na Binhi at Hari ng mga Hari? Alam ninyo ang kasagutan; nguni’t batid ba ninyo kung paano nalihis ang karamihan ng sanga sa Puno ng Pesah?
Una, ang mga Griego o Hentil sa Asia na unang tumanggap sa balitang pahayag ni Pablo noon unang siglo ay naging tapat sa mga kautusan. Subali’t sa kalaunan, ang masayang pagtitipon (agape) ay naging pormal at mala-rituwal na gawain ng pagsamba na kalakip ang pagpipilas ng tinapay at pag-inom ng alak na tila patikim lang. Nagkaroon din ng pagbabago sa pamamalakad at pagbubuklod ng mga alagad, at naitakda ng mga obispo at mga punong-obispo. Subali’t nananatili ang paggamit nila ng normal na tinapay sa kanilang Liturhiya o Komuniyon hanggang ngayon. Ang mga Romano ang siyang nag-iba sa gawi at gumamit ng lumang tinapay na walang lebedura. Isa iyan sa maraming usapin na pinagmulan ng pagtatalo at pagkakahatihati ng Griega Iglesia at Romana Iglesia noong AD 1054 hanggang ngayon.
Sa Greek o Eastern Orthodox Church nga at mga katulad nila (Russian, Armenian, atbp.), ang Komuniyon o Hapunan ng Panginoon ay isang seremoniya sa loob ng gusali at hindi payak na kainan o agape tulad nang una. Maliban sa normal na tinapay, ang alak ay sagisag kay Ruach na nagbibigay buhay sa Katawan ni Yahusha. Iyan ay ayon sa habiin ni Ruach mismo. Ang alak, o ang dugo na dumadaloy sa “iglesiang buhay”, ay hindi na ang dugo ni Yahusha sa krus kundi ang bagong uri at bagong layunin na sinaad ng Panginoon. Kaya’t sa agape ng mga alagad noong unang siglo, kaisa ng mananampalataya ang Ruach na tinanggap nila (ang espirituwal na alak o Dugo ng Buhay — Salmo 23:5-6, Juan 7:37, Heb. 6:4) at ang Panginoong Yahusha na Siyang Ulo ng Katawan Niya sa lupa, ang Kaharian. Sino ang kumakain para sa Katawan? Hindi ba ang Ulo? At iisa sila.
Pangalawang sanga ang Romana Iglesia na natuto at nagmana lang sa mga turo ng mga Griego sa maraming bagay: sa pananampalataya, sa agham, sa mito, sa medisina, sa digmaan at sa pulitika. Bagama’t nagkakaisa ang mga Griego at Romano sa una, ang mga Romano ay may mga kaibang kaugaliang pagano na inihalo nila sa iglesia, Isa na dito ang mahiwagang relihiyon ni Mitra, isang diyos-diyosan. Ang Mitraismo ay nagmula sa isang samahan ng mga kalalakihan, tulad ng frat, na may lihim na mga rituwal at kautusan. Isa na si Haring Constantino ang masugid na tagpagsunod ni Mitra noong mga panahong AD 300. Nang siya ay nabighani sa turo ni Yahusha, pinagsama niya ang hapunan ni Mitra at ang hapunan ng Pesah. Pinalitan si Mitra at naging si Yahusha ang sentro ng pagano at kanibalistang pag-aalay ng tunay na dugo at laman sa altar na pinairal ni Haring Constantino noon hanggang ngayon. Taliwas ito sa banal na katuparan na inilahad na natin.
Kaya ang lumang tinapay ang naging sentro ng alay ng Romana Iglesia at ang alak ay naging dugo ni Yahusha na muli-at-muling iniaalay sa altar ng paring paulit-ulit na naghahandog ng “tototong laman at totoong dugo” ni Yahusha sa mga tao. Taliwas ito sa ginawa ng mga taal na unang Bunga ng Pesah na nakita na natin. Taliwas sa mga simple at natural na kainan o agape na nabanggit natin.
Pangatlong Sanga ng Pesah ay ang mga sekta at lupon ng mga sumasamba (karamihan Protestante o evangelical, atbp.) kay Yahusha na nagmana lang sa kaugalian ng mga Katoliko. Ang hapunan, komunyon o “Lord’s Supper” na kalakip ng “worship service” nila ay kakaiba din sa agape nang sinauna. Bagama’t hindi nila itinuturing na totoong dugo at laman ang alak at tinapay, kanilang isinasaisip nang mataimtim ang pagdurusa at kamatayan sa krus. Hindi ito paghahatol sa kanila; subali’t hindi kailanman ninais o itinuro ng Panginoon Ruach ang ganyang gawain. Ang turo nila patungkol sa “discerning rightly the Lord’s body” (suriin ang katawan) ay hindi tumutukoy sa katawang laman ni Yahusha, bagkos sa espirituwal na katawan Niya, ang “ekklesia” o ang mga tinawag Niya. Kumbaga, ang “tayo” na tinutukoy ni Pablo — ang mga bahagi ng Katawan ni Yahusha na siyang dapat nating suriin. (1 Kor. 11:27-32)
Unang-una, sinabi Niya na “alalahanin Siya” noong buhay pa Siya at higit pa kapag nasa Langit na Siya na nabubuhay na walang-hanggan, hindi ang katawan o katayuan Niya na hindi pa nakatanggap ng kaluwalhatian sa Langit. Pangalawa, ang salitang Griego na ginamit ay anamnesis na ang totong pakahulugan ay “isipin” o “itanim sa isip” at hindi “recall” o “remember”. Dito nalilihis ang karamihan dahil sa pinalaganap na konsepto na isaisip ang nakaraan at karanasan ng Panginoon habang nasa lupa pa Siya. Subali’t sino sa aitn ang maka-aalala sa pagkapako Niya o sa paghihirap Niya? Ang mga apostol lang at ibang nakakita sa Kaniya.
Ang hangarin Niya ay isipin o isaisip ang banal na salita, gawain, at kadakilaan ng pagiging-Panginoon Niya noon, ngayon at magpakailanman. Ang krus ay isang bahagi ng gawain Niya na mahalaga; nguni’t isa itong kasuklamsuklam na kasalanan ng mga taong tumakwil sa Kanya. Ang nais Niya ay ipahayag lamang ito na totoong naganap na, hindi lasapin o isipin sa tuwina. Proclaim, not Remember. Sa pagbabalik natin o pagbibigay ng abnormal na pansin sa kahiyahiya at karumaldumal na karanasan na iyan, inilalagay natin ang buhay at puso natin sa mga bagay na hindi Niya nais bigyan ng halaga. Ang kamatayan ay ginapi na Niya. Ang paghihirap ay natapos na Niya. Nais ba nating manatili sa gawain sa Mundo na siya Niyang nilutas at tinapos na? (Heb.12:2)
Ang pang-apat at huling sanga ay ang sanga ng mga Yudeo na pinamunuan ng mga Pariseo, Sadusiya at Escriba sa panahon pa ni Yahusha. Ito ang ating inilagay sa huli dahil sila at ang kanilang kaugalian at kaparaanan ang nagsilbing mitsa sa pagsabog ng poot ni Yahusha noong Siya at silang mga namumuno sa Yerushalem ay nagtagpo sa Templo ni Solomon. Iyun ang panimula ng rurok ng kasaysayan ng mga Israelitas at ng buong Sanlibutan, bago idinaos ang Pesah at bago naialay ang totoong Pesah o Tupa.
Sa kalagitnaan ng buong linggong Kapistahan ng Tinapay na Di-Pinaalsa, matutunghayan ang kinahinatnan ng Batas ni Moises na inilahad sa Bundok Sinai at naitatag na batas ng bansang Israel sa panahon ni Haring David. Alam nating na ang “Ugat ni David” ay Siya ring pangakong Banal na Binhi na magmamana sa kanyang trono. Kaya’t gayun na lang ang poot ni Yahusha sa nakita NiIyang kaguluhan at kabulukan sa Templo na Tahanan ni Yah. Naging bahay ng kalakalan ang Templo at kinalimutan ang gamit nito bilang bahay dasalan at sambahan. Naging bahay ng mga ulupong at mapagkunwaring mga pinuno na isinantabi ang salita ni Yah at itinuro ang aral ng mga demonyo. Naglaho na ang liwanag ni Yah at kabanalan ni Ruach sa Templo. Ang Presensiya ng Panginoon ay pumanaw na sa Templo at sa buong Yerushalem. At lumuha muli si Yahusha nang araw na iyon sa kinahinatnan ng Lungsod ni Yah.
Kaya’t sa poot Niya, sinumpa ni Yahusha ang mga Pariseo, Sadusiya at Escriba at pati na ang Templo at itinakda ang katapusan ng kanilang pagiging puno at sentro ng bayan ng Yudea. (Matt. 23) Bagama’t nanatiling tapat ang karamihan sa mga Hudeo sa pagdiwang ng mga kapistahan at pag-alay sa Templo hanggang sa panahon ng mga apostol, naitakda na ang dulo ng Kautusan ni Moises dahil na rin sa pagtupad ng Binhi sa lahat ng naitala sa batas. Tinupad ni Yahusha ang batas na nagtakda ng kaparusahan ng kamatayan Niya sa krus at pinalitan Niya ng Bagong Tipan at Batas na magbibigay buhay sa sangkatauhan sa Kaharian Niya.
Gayunpaman, nanatiling bulag ang karamihan ng mga Yudeo sa katotohanang ito. Ang Kapistahan ng Pesah ay isang sanga sa Puno ng Pesah na bagama’t naging ugat sa una ay naging sanga na lamang na taliwas at lihis, di lamang sa ito ay natupad na at wala nang silbi sa paningin ni Yah kundi dahil sa mga tradisyon at kaisipang naidagdag ng mga Pariseo mula sa mga turo ng mga Samaritano na natuto sa mga taga-Babylonia na sumasamba ka Baal. Ang Talmud o ang aklat na siyang batayan nila sa pag-unawa sa Lumang Tipan ang naging haligi ng sanga na ito. Ang mga tradisyon nga nila ang siyang pinuna ni Yahusha sa Kanyang paglibak sa mga Pariseo. Wika Niya, itinapon nila ang “susi ng kaalaman” at isinara ang Kaharian sa madla.
Kung ang karamihan sa mga nananampalataya ni Yahusha ay nalilihis sa kanilang pananaw sa Pesah o Komunyon ayon sa ating nailahad na, ang mga makabagong Yudeo ay ganap ang pagkabulag sa mga katotohanang inilahad ni Ruach sa Bagong Tipan. Nananatili ang kaugalian at kaparaan nila, maging ang pagtakwil nila kay Masshiak na nakaluklok na sa Langit.
Sa madaling sabi, habang karamihan ay nakikiisa pa rin sa pagdurusa at kamatayan ni Yahusha sa kanilang pagdiriwang ng Huling Pesah, Misa o Komunyon (at bagama’t nagbibigay patototo at pagsamba sa Kanyang muling-pagkabuhay at paghahari sa Langit), ang mga Yudeo ngayon ay naghahanda pa rin sa muling pagpapatayo ng Templo at pagdating ng Masshiak upang idaos muli ang Unang Pesah. (At iyan ang pagmumulan ng higit pang kaguluhan at pag-uusig kapag hindi tayo magkaisa sa katotohanan.) Karamihan ng mga tao ngayon ay nagdidiriwang ng Pesah sa kanikanilang pamamaraan at paniniwala. Katulad ng Kapaskuhan o Christmas na ginaganap sa Desiyembre, ang Linggo na Banal o Holy Week ay ginaganap ngayon at bawa’t taon upang “alalahanin” ang nakaraan at buhayin muli ang mga kaganapan na naitala. Samantala, may iilan na payak at taal na nagdidiriwang araw-araw at sa bawa’t pagkakataong nagkakaisa sa pagtitipon sa hapag-kainan saanmang dako; at anumang oras, sila ay nagmamahalan at nagpapatotoo sa lahat at sa madla na naghahari si Yahusha sa Langit at si Ruach sa kanilang buhay. Naganap na ang tagumpay sa kamatayan. Nasakop na ang kaharian ng kadiliman ni Satanas sa puso at buhay ng mga taal na alagad. Wala nang dahilan upang balikan pa ang kasamaan at kabulukan na nilikha ni Satanas sa buhay ni Yahusha o sa buhay ng mga tinawag Niya.
Ang sinumang nakahawak na sa araro ay huwag nang lumingon pa sa pinanggalingan; bagkos, ipagpatuloy na ang pag-aararo upang maghasik ng mabuting binhi at umani nang maraming bunga. Ang Binhi sa puso ay buhay; huwag nang isuksok sa kadiliman kundi ilahad sa liwanag, sa kaligayahan at sa kaluwalhatian ni Yah.
Ang Taal na Sanga ng Pesah at ang Puno ng Pentecostes
Si Yahusha, ang pangakong Banal na Binhi, ay itinanim na. Siya rin ang nagtanim ng Binhi ng Pesah nang atasan Niya si Moises at mga Hebreo na kumain ng Hapunan ng Pesah at upang maligtas at mapalaya sila sa sumpa ni Yah sa Ehipto. At dahil Siya ang nagtanim ng Binhi ng Pesah na idinaos nang halos isa’t-kalahating milenyo, Siya rin ang karapatdapat na huling pipitas ng bunga nito – ang pagkain ng Bunga ng Pesah at pagtanim Niya ng Bagong Binhi na magbubuo ng Kaniyang kaharian at Katawan sa lupa. (Isa. 61:3) Tayo ang nagiging masasaganang pananim Niya. (Salmo 92:12-15)
Ang huling Pesah ay nanatiling Puno ng Pesah na ang Binhi ay si Yahusha. Itatanim Niya ang Kaniyang sarili (ang Totoong Sanga) sa pag-alay Niya ng buhay at ganapin ang lahat sa pamamagitan ng dugo at katawan Niya. (Juan 15:1) Ang Lumang Tipan ay nakatatag sa laman at dugo ni Yahusha na inalay Niya bilang binhi upang matupad ang Kaligtasan ng Sangkatauhan. Ang Pesah ay natupad sa krus – ang tupa na umako sa kasalanan, ang tinapay na di-pinaalsa na dalisay, at ang alak na dugo Niya. Nguni’t wika Niya, muli Siyang kakain nito kapag natupad o naani na Niya ang itinanim Niya sa Kaharian. Kumbaga, ang tupa ay mabubuhay muli (tulad ni Isaak) at luluklok sa trono ni David, ipapasok na sa kamalig (ang Kaharian) ang ‘mga unang ani” (firstfruits) na mga “pinaalsang tinapay ng Pentecostes”, at tatanggapin na nila ang handog na Ruach Hakodesh na “dugo o espiritu ng buhay” sa Katawan Niya sa lupa — ang mga alagad Niya.
Pabaon: Ang Binhi ni Ruach
Ang binhing itinatanim ay namamatay. (Juan 12:20-26) Namatay nga ang Binhi, nguni’t nabuhay muli, tulad ng binhi na umuusbong sa lupa. Ang Puno ng Pentecostes na pumalit sa Puno ng Pesah ay ang ganap na Puno ng Kaharian o Katawan ni Yahusha sa lupa. Ito lamang ang may Bagong Binhi ni Yahusha na magbibigay ng buhay – ang pangakong Binhi ni Ruach. At tulad ng binhing nailibing sa lupa na nabubulok o namamatay, ang mananalig sa mabuting balitang ito ay itatanim at sasakluban o sasakupin ng liwanag ni Ruach Hakodesh upang mabuhay at lumaganap magpakalanman.
Ito ang payak na larawan na inilahad ni Ruach sa kasulatan; subali’t marami ang nalihis dahil sa mga sanga na pinagmulan ng mga nagtuturo sa kasalukuyan. Ang isang sanga na magmumula sa puno ay magsasanga pa sa iba’t-ibang munting sanga na taglay ang dagta ng pinagmulan ng sanga. May mga sanga marahil na bagong usbong sa puno sa nakaraan at sa kasalukuyan. Hangga’t hindi natin nakita ang pananaw ni Ruach, mananatili tayo sa sangang kinagisnan at kinalalagyan natin. At ang bunga ng ating buhay at pananampalataya ay magkakaroon ng hugis, kulay, lasa at amoy ng bungang ating nakasanayan. Malalaman ang puno at sanga sa bunga nito.
Ang Panginoong Abba ang nagtanim ng Binhi sa Sanlibutan. Iisa lang ang Binhi at iisa lang ang Bunga sa ating Mundo ngayon. Sa Bagong Yerushalem ng Bagong Mundo at Bagong Langit, iisa lang ang Puno ng Buhay at iba-iba ang bunga na masasarap at nagbibigay ng buhay na walang katapusan. (Pahayag 22:1-2) Ang ating pagsamba at pananampalataya ngayon ay ganoon din dapat: iisa. Sa ganoong paraan lang upang magkaisa ang lahat at maitatag ang iisang Puno ng Pentecostes sa Mundo ayon sa naitala at naipakita ni Ruach. Iisa lang ang bungang itinakda dahil iisa lang ang Binhi; hindi Siya maaaring mahatihati. Ang Puno ng Buhay ay hindi nahahati kahit maraming uri ng bunga. Ang Mundo ang naghahati sa Puno ng Pesah at naglalabas ng iba’t-ibang bunga.
Kaya’t si Ruach ay isinugo at ibinigay sa atin upang itanim ang mabuti at totoong sanga na magbibigay daan sa kaligtasan ng Mundo. Ang sanga na nasa tuktok ng Puno ng Pesah ay Kaniyang inihiwalay at itinanim sa mabuting lupa at nag-usbong ng Puno ng Pentecostes na siyang Kanyang inaalagan at pinalalago ayon sa nilayon ng Ama at ng Anak sa Langit. Nakita na natin ang larawan ng mga naging unang tagapag-ani ng punong ito. Taal, payak at dalisay ang kanilang buhay, hangarin at gawain, Malaya siya sa lason, kamalian at kabulukan ng Mundo. Higit sa lahat, nagkakaisa sila sa pag-ibig at salita ni Yahusha. Iyan ang katuparan sa hula ni Isaias na “kapahingahan at pagpapanariwa” (Isa. 28:11-13)
Iba ang likha ng tao sa likha ni Yahuah. Ang layunin ng kasulatan ay kaisa sa layunin ni Ruach. Ang salita na hatid Niya ang binhi na siyang itinatanim sa ating puso na magbubuo sa itinakda Niyang bunga. Ang salita ni Yahusha ang salita ni Ruach. Iisa Sila sa simulain at sa layunin. Si Ruach ang nagbibigay sa aitn ng buhay – bilang wagas na dugo, dalisay na tubig at maluwalhating liwanag – at naglilinang sa ating pagkatao upang maging ganap tayo sa paningin ng Elohim. Nagkakaisa ang Ama, Anak at Ruach sa gawaing ito; bakit hindi tayo nakakaisa sa gawaing naitanim Nila? Bakit natin panatilihing lihis at taliwas ang ating pag-iisip, paggawa at pagsasamba sa naitatag na noon pa mang unang siglo sa mga unang bunga ng Binhi, mga unang mamamayan ng kaharian at mga unang tagapamana ng pangakong buhay na walang-hanggan.
Buhay-na-buhay pa rin ang Binhing ipinangako sa Hardin. Hindi kailanman ito naglaho o nawala sa Mundo. (Zech. 8:12; Mat. 13:37; Mark 4:1-20) Mula kay Adan, naitala ng salinglahi ni Yahusha. Hanggang ngayon, ang Binhi na itinanim Niya sa pamamagitan ng mga apostol ay namumuhay sa puso at kaululuwa ng mga nananampalataya. Kailangan lang na gawin nating ganap ang ating paglilingkod at pagsasamba ayon sa salita ni Ruach. Ang pagsasalarawang ito ay ang payak, taal at kaisaisang pangitain na nailahad na nguni’t nawala, naisantabi at nakalimutan ng karamihan. Hindi pababayaan ng Panginoon na manatili tayo sa ganitong kalagayan lalo’t lumalapit-at-lumalapit ang pagbabalik Niya. Maaaring hindi pa sa ating kapanahunan; nguni’t, kalian pa natin sisimulan ang pagtutuwid at pagpapanariwa ng ating landas?
Tanging pabaon: Isa lang ang dapat batayan ng katotohanan sa kasaysayan, sa kasalukuyan at magpakailanman. Si Yahusha, ang Banal na Binhi, ang Siyang naging Puno ng Pesah, ang Puno ng Pentecostes at Puno ng Buhay. Siya ang Binhi at tayong mga itinatanim Niya ayon sa katotohanang hatid ni Ruach Hakodesh sa Kasulatan ang mga bunga. Kung nais mo ng buhay na walang-hanggan, alam mo na kung aling bunga ang kakainin mo ngayon pa lang.
Sa mga nais pag-aralan nang masinsinan ang mga nailahad dito, maaring mag-download ng libreng ebook sa link na ito: www. manariwa.com. Hanapin sa Books ang The Agape: A Celebration of Love (The New and Living Way of Pure, Joyful and Simple Christianity) at iba pang aklat, awit at sanaysay na angkop sa paksa.
Maraming salamat po! Mabuhay at Manariwa!